Si Janus Sílang at ang Labanáng Manananggal-Mambabarang (Janus Sílang and the Battle Between the Armies of Manananggal and Mambabarang) by Edgar Calabia Samar (Adarna House, 2015)
Compulsive reading ang bagong yugto ng pakikipagsapalaran ni Janus. May bagong mundong tinatatag si Edgar Calabia Samar gamit ang mga lumang materyales ng kababalaghan at engkanto. Bagamat mahahalintulad ang ilang karakter at eksena sa mga popular na pelikulang banyaga, may sariling pambayang punto de bista ang pagkakalahad ng istorya. Updated na ang mito ng pinagmulan ng mundo. At ang labanán ay nakatuon hindi lang sa tagisan ng lantay na kapangyarihan kundi sa mental na pakikipaglaban ni Janus sa sarili nyang mga agam-agam bilang isang kabataang naharap sa mga matinding pagsubok sa buhay.
Ito ang ikalawang aklat pa lamang sa serye ng Janus Sílang na mukhang papantayan ang dami ng tomo ng Harry Potter. Isang taon na naman kaya ang gugugulin sa paghihintay ng kasagutan at closure sa cliffhanger sa dulo ng istorya. Sinu-sino ba itong 77 púsong na ito na nakabida sa pamagat ng ikatlong libro? Ano ang kinalaman nito sa 88 na pinakamabagsik na pamamaraan ng bárang (kasama na ang epektibong panlaban sa mga ito) na pinapaksa ng librong binubuklat-buklat ni Janus sa aklatan?
Next level na ang istorya. Umaarangkada na ang numerolohiya na itinampok din ni Sir Egay sa nobelang Sa Kasunod ng 909. Ngayon ay naurirat na ang siyam na mundo na kinapal ng Siyam na Bathala ng Santinakpan. Parang Walong Diwata ng Pagkahulog lang ang peg. Tutal namamayagpag pa rin dito ang batang halimaw na Tiyanak at may Atisan blues pa rin kaya hindi madaling mawaglit ang alaala ng Walong Diwata. Ang mga nobela ni Sir Egay, maging ang serye na ito, ay may continuity, parte ng iisang mundo, ng iisang haraya. Pawang mga pambata o pangkabataan (young adult) ang puntiryang audience dahil na rin nakasentro ang mga misteryosong eksena sa bidang bata o tinedyer. May pang-akit sa awtor ang ganitong kabataang karakter at tema. Sabi nga sa Eight Muses of the Fall, na salin sa Ingles ng Walong Diwata.
Before all this began, I kept telling myself that I didn't want to talk to the adults, especially to the elders, because they already had their stories. They're whole. Beginnings, endings, and everything in between. On the other hand, the children, their stories are still fresh. Raw. No editing, no thought of revisions. Continuity; what a strange, foreign concept. No need for endings. You only need to figure out how to begin those stories. And when it's begun, it's a wellspring from where all other fresh, raw stories burst—raw, fresh stories that could only come from them, no one else.
*
"I don't want to talk to adults anymore," I said while I wove in and out of the waves, close to the shore. I remembered the afternoons when I'd pay a visit to the elders of Atisan, just to get a story, something I could put in the novel I could never seem to begin writing. "The problem with grownups, elders especially." I went on, "is that they already have stories. They already know what to say. They're whole. They're not raw, they're not as fresh as the children's. I like the truth in stories that don't have to abide by some formula, that don't have to snuggly [sic] fit into some structure. I like the truth when it's in something that's yet to be whole."
Dahil sa ganitong prinsipyo ng spontaneity ng pambatang kuwento, hindi mo alam kung saan ka dadalhin ng istorya. Kung kaya't ang timpla ng rekado ng mga kababalaghan ay may pang-akit din sa mga matatanda na tulad ko (36 anyos). Ang pagtatagpi-tagpi ng mga pangyayari ay orihinal sa pagkakaroon ng sariling salamangka at lohika bagamat kakikitaan nga ng impluwensiya ng popular na akdang banyaga. Technopathic mapping. Hello, Professor X. Ang Santuwaryo Castillo na mala-Azkhaban.
May sariling kodigo (batas) na sinusunod ang mundo (at kalibutan) ni Janus Sílang. May sariling kapit sa hindi pa naitakdang kinabukasan. Ang nagsisimulang trahedya ng Manto. Ang angkan ng Esturas na mukhang may malaking papel sa susunod na mga kabanata.
Kagaya ng Tiyanak, nananatiling maigting ang panghalina ng Manananggal sa panulat ni Sir Egay. "Halos isang buhay" na gumagabay sa likod nya ang Manananggal. Isang inspirasyon, isang musa. Bahagi pa rin ng siklo o continuity ang mga nilalang na ito. Ito ang binalik-balikan nyang ehemplo at basehan (batis) ng kanyang pagbabanghay.
Kailangan niya ng nilalang na makalilipad tulad ng mga banog, pero kailangan niya ng taling hihila rito pabalik sa lupa upang matiyak na kontrolado niya ito't mananatiling mag-uulat sa kaniya. Kaya't isang sumpa ang pagkahati ng katawan ng manananggal. Isa itong pangako ng lagi't laging pagbabalik, ng lagi't laging pag-uwi....
Ito ang eternal return o eternal homecoming ng pagnonobela. At ito ay pumapaimbulog sa ika-21 dantaon. Naka-adapt na sa teknolohiya ang mga engkanto at barang. Nababasa na ng electromagnetic waves ang brain imprints ng mga espesyal na nilalang (púsong at bagáni). Marahil ang mairereklamo ko na lang ay ang pagiging convenient ng mahika para bigyan ng paliwanag ang mga mahirap intindihing konsepto. Halimbawa ay ang paggamit ng masamang engkanto (evil) bilang isang paliwanag sa climate change, mga digmaan, mga delubyo na mahirap ipaliwanag dahil sa magnitude nito. Ang Yolanda bilang stage ng pananalasa ng Tiyanak. Ang pagsakay sa ganitong mga kalamidad, sa pamamagitan animo ng 'magic of convenience' ay bumubura sa lohika at siyensiya na hindi dapat tuluyang iwaglit sa kamalayan. Ang mga pangyayaring katulad ng extreme weather events at climate change ay napapatunayang gawang-tao at hindi gawang engkanto kung kaya ang responsibilidad at pananagutan natin dito ay hindi dapat ilagak sa supernatural na solusyon.
Gayunpaman, nananatili ang interes ng seryeng ito para manumbalik ang sigla ng pagbabasa na nakahuhumaling kagaya ng nakalakihan nating komiks na linggo-linggong sinusubaybayan. Sana lang ay may sapat na payoff ang bawat susunod pang kabanata para naman hindi masayang ang nakayayamot na santaóng paghihintay sa kapalaran ng mga bagáni at púsong.
No comments:
Post a Comment