09 December 2018

More terrifying are the nightmares when you’re awake



Ang Kapangyarihang Higit sa Ating Lahat (The Power Greater Than All of Us) by Ronaldo Soledad Vivo Jr. (Ungazpress, 2015)



Note: I wrote the following in 2015 as an intro to the novel. There is no translation.



[Mga] Paunang Salita


1. ang mabisang paraan ng pagsasaayos ng problema

MAHALAGANG PAALALA:
Kung ikaw ay nagdesisyon na magpakain ng stray cats o mga pusang gala, importanteng ipakapon mo sila. Kung hindi sila kapon, magbe-breed sila at dadami.Maling pagmamalasakit ang pagpapakain sa galang pusa ng walang kaakibat na pagpapakapon

Kadalasan sa mga nagpapakain ng ligaw/gala o stray na pusa ay nape-persecute o nakakaaway at pinagtutulong-tulungan ng mga kapitbahay at komunidad, lalo na’t hindi pinapakita ng taga-pakain o “feeder” na sya ay “responsible feeder” o nagpapakapon at nagsisimula ng TNR effort sa kanilang komunidad.

Ang TNR o “Trap-Neuter-Return” ang pinakamabisang paraan ng pag-control ng populasyon ng mga pusa sa isang lugar. Dahil ang kapong pusa ay hindi na manganganak o makakabuntis, hindi na madadagdagan pa ang kasalukuyang bilang ng pusa sa isang lugar. Maging ang mga pusa sa kalapit-lugar ay hindi na rin papasok sa isang lugar na may mga kapon ng pusa.

Ang mga kapong pusa ay pangangalagaan ang kanilang “source of food” at hindi nila papayagang may kaagaw sila dito. Kapag ang pusa ay hindi kapon at nanganak, i-si-ni-share o ibinabahagi nya ang pagkain sa mga anak nya kaya’t dumarami ang pusa sa isang lugar kapag hindi sila kapon.

Kapag kapon lahat ng mga pusa sa isang lugar, hindi na rin mapapalitan ang mga pusang namatay na (maliban na lamang kung namatay na lahat ang pusa at merong mga papasok na bagong pusa na makikinabang sa “holding capacity” resources /tira-tirang pagkain ng isang lugar.)

– The Philippine Animal Welfare Society. http://www.paws.org.ph

2. dreamlandangst

Sa mga nakabasa na ng dalawang kalipunan ng kuwento ng ungazpress, hindi na nangangailangan ng babala ang handog nilang unang nobela. Dapat alam mo na rin ang bitag na pinasok mo. Ang [mga] babala ay hindi na uubra kaya 'di na kailangang pamain. Lalo na kung ito naman ay walang kabigin sa [mga] bangungot na umaakbay sa bawat himaymay at kalbaryo ng buhay maralita. Sa dreamland na iniikutan ng nobela, ang buhay ay isang panaginip na umuupos sa (halang na) kaluluwa ng sambayanang hindi na magigising. Hindi dreamland ng operang Miss Saigon o soap operang pampalipas-oras. Ang [mga] digmaang itinatampok dito ay kainan ng laman, puso, at bayag. "Higit na nakagigimbal ang mga bangungot habang gising" – ang sabi dito. Evil na puwersa laban sa mabuti. Mahirap laban sa filthy rich. Hayop laban sa karapatang pantao.Tao laban sa animal na tao.

Habang naghihintay ng order, nagmasid-masid muna s'ya sa paligid. Desperadong humahanap ng dilihensya. Sa kapal ng tao, hindi n'ya mawari kung pa'no didiskarte. Hindi naman kasi s'ya mandurukot. May malaking pinagkaiba ang mandurukot sa holdaper. Para sa kan'ya, ang mga mandurukot ay mga tirador na walang bayag - na kung kumana ay palihim, patalikod, galaw hunyango. Mas panglalake raw ang panghoholdap at di hamak na mas makatao ang proseso, dahil bilang holdaper ay ipinaaalam mo sa mga biktima na kailangan na nilang magpaalam sa mga minamahal nilang gamit at salapi, di tulad ng mga mandurukot na iniiwanang praning ang kanilang mga biktima.

"Isang aleng nagmumurang kamias ang nadale namin kahapon, matrona. Kontak ng tropa ni Buldan. Sabik sa burat, pinatikim ko ng burat saka ko dinigma. Tumataginting na pitong libong piso ang laman ng wallet ng gaga. Pares ng hikaw na ginto, tatlong singsing na ginto rin, at kwintas na silver na may pendant na puso. Inarbor ko yung kwintas sa hatian namin ni Buldan. Di naman na ito nag-arimuhunan at pumayag agad.

3. sellout cops

Nambasag na naman ng trip si Ronaldo S Vivo Jr. Hinantad ang [mga] kaepalang umiiral sa (alta-)sosyedad. Kaipala'y hatid ang [mga] kabalintunaan sa paligid-ligid na puro linga. Sa dreamland ay tuluyan nang nakapinid ang pinto ng palasyo at gobyerno. Kaya naman ang nasasakupang sambayanan ay patuloy sa pagganap sa kanilang dakilang propesyon: pagpupuslit, pandurukot, pagbebenta ng katawan, pangongotong, pangingikil, pang-aagrabyado.

Ang [mga] naturingang alagad ng batas, ang [mga] kampon ng dilim – patuloy sa pagpapatupad ng batas at lagim. Hindi sila maaring lumihis sa layunin: ang Sariling Alamat ng kapulisan.

Ang sabi, para mo masukat kung ga'no kabobo ang isang pulis ay huwag mong bilangin kung ga'no na karaming katarantaduhan ang nagawa nito o kung ga'no na kabigat ang atraso nito sa sinumpaan n'yang tungkulin. Sa halip, tukuyin mo kung ga'no ito kadalas nagtanggol sa masa. Ibig sabihin, bobo kang pulis kung lumilihis ka sa dakilang layunin ng kapulisan na susuhin ang higanteng burat ng gobyernong pahirap at maging instrumento sa pananarantado nito sa bayan.

4. wasakpad

Ano ang [mga] sumunod na nangyari? Ito lang naman ang tanong na nagpapaikot sa mambabasa. Hindi ito yung babasahing prenteng-prente ka na sa pagkakaupo habang kinikilig sa maaring mangyari dahil alam mo na na mangyayari. May kakaibang estilo ng pagkukuwento si Vivo na bumabalik sa kanyang mga unang kuwento sa PseudoAbsurdoKapritso Ulo. Ito ang wasak (non-linear) na pagtatahi ng kuwento at damdamin. Hindi mo namamalayan tastas na ang diwa mo dahil sa pagragasa ng agam-agam at pighati. Nakapaloob sa di-kompromisong pagpapahayag ng pinandidirihang katotohanan, halaw sa hilaw na buhay lansangan, hinding-hindi mahihiwatigan ng mga fan ng pamaypay na kwento (fan fiction) sa wattpad.

5. kinapon ang (kapangy)ari(han)

Sa paglukob ng transgresibo sa tradisyon ng sosyal realismo, ang nobela ay maaring pampurga sa [mga] hindot na luho at ulayaw ng burgismo't burgesya. Dude, ito ay negosasyon hindi lang ng puri at dangal. Kaluluwa at buhay na ang nakataya dito. May eksenang pantapat sa kalunus-lunos na mga tagpo sa Maynila: Sa mga Kuko ng Liwanag, Insiang, Scorpio Nights, Mga Agos sa Disyerto, at iba pang produkto ng malubhang haraya. Huwag nang ikumpara sa metaporikal na inidoro ni Bob Ong sa MACARTHUR. Ibang shit-level ng hardcore ang nakapaloob sa unang nobela ni Vivo dahil lubos na isinuka ang metapora at ilusyon. Higit anupaman, ang nobelang ito ay pagdalumat sa [mga] emaskulasyon ng kabataan sa lipunang makatae. Ang [mga] di-makatarungang paraan ng pagkapon sa pag-asang umahon sa buhay, mabuhay nang tahimik at di sumala sa pagkain sa buong araw. Dinggin ang bating(ting). Tinigpas na ang kaka(n)yahang lumalang ng sining.

6. Kastrationsangst

Gahd, ang bigat lang ng tema nito. Manhid lang ang walang pandama. Paano ba haharapin ang kapangyarihang higit kaninuman kung bumira at gumupo? Isugal ang oras sa bitag ng salita. Magbasa at panawan ng ulirat. Kung paanong namayagpag sa nobela ang pagkabalisa sa kastrasyon-kolektib. Kung paanong namayani ang terorismo-sibil sa walang patumanggang pandarambong at pagnakaw ng kaayusan sa lipunan. Ang pagkadurog ng pagkalalake at pagkababae ng mga aso at pusang galang nagtangkang magpumiglas at manlaban. Ang pagkainutil ng diwa't pagkalumpo ng kaluluwang hindi maiibsan ang sakit. Kahit anong usal at dasal. Sumpain ang pagpapakatao sa panahon ng kanibalismo at pagkahibang habang nilalaro ang nakaliliyong kalaydoskopyo ng krimen at parusa.

7. sirit na

Isugal ang oras sa bitag ng salita. Magbasa at panawan ng ulirat.


No comments:

Post a Comment