Ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay nagpasinaya ngayong taonng bagong serye ng publikasyon na tinatawag nilang "Aklat ng Bayan" (Book of the Nation), isang malaking proyekto na bahagi umano ng "Aklat ng Karunungan" (Library of Knowledge) at magtatampok sa angking galing ng wikang Filipino. Kasama sa proyektong ito ang paglilimbag ng mga pag-aaral sa wika, panitikian, at kultura ng Pilipinas; salin sa Filipino ng mga akda mula sa katutubong wika; at pagsasalin ng mga obra maestra ng pangdaigdigang panitikan. Kudos sa KWF sa naisip nilang makabuluhang pakulo! Ito ay maaring ihanay sa iba pang pambansang proyekto (katulad ng Library of America, Library of Korean Literature, at Modern Library of Indonesian Literature) bagamat nakasentro sa wikang pambansa.
Ang apat na kababasa ko lang ay nakuha ko mula sa booth ng KWF sa katatapos na Manila International Book Festival.
1. Pitong Kuwento (Seven Stories) ni Anton Chekhov, salin ni Fidel Rillo(Ang mga ito ay pawang mga kuwento. May salin naman ng mga tula mula sa dalawang makatang nagtamo ng Gawad Nobel sa Literatura: ang Gitanjali ng makatang Bengali na si Rabindranath Tagore, salin ni Virgilio S. Almario, at Sa Prága: Mga Piling Tula ni Jaroslav Seifert (In Prága: Selected Poems of Jaroslav Seifert), koleksyon mula sa makatang Czech na isinalin ng isang grupo sa pamumuno nina Roberto T. Añonuevo at Gian Lauro Abrahan V.)
2. Ang Kuwintas at Iba Pang mga Kuwento (The Necklace and Other Stories) ni Guy de Maupassant, salin ni Allan N. Derain
3. Niyebe ng Kilimanjaro at Iba Pang Kuwento (The Snows of Kilimanjaro and Other Stories) ni Ernest Hemingway, salin ni Alvin C. Ursua
4. Ang Metamorposis ni Franz Kafka, salin ni Joselito D. Delos Reyes
Tunay ngang nagpapakita ng galing ng mga lokal na manunulat na bigyan ng kapantay at kaakibat na salin ang mga klasikong akda nina Kafka, Chekhov, Hemingway, at Maupassant. Ang huling blog post ko ay nagbigay ng suri sa mahabang kwento ni Franz Kafka na "Ang Metamorposis" (link). Hindi ko gagamitin ang espasyo na ito para sa pagbibigay ng suri sa iba pang sinalin bagkus ay magbabahagi ng mga importanteng isyu patungkol sa pagsasalin.
Kung tutuusin marami pang dapat ayusin ang serye na ito. Pinapakita ang pagsunod sa modernong ortograpiya ng Filipino ngunit hindi naman pare-parehas ang aplikasyon sa lahat ng salita. Marami pa ring mga tipograpikal at gramatikal na kamalian na tyak na hindi naman makikita sa orihinal na akda. Para sa akin, mas dapat pag-igihan ang copyediting at proofreading ng pagsasalin dahil nakabatay ito sa isang akdang sinulat ng maayos at masinsin ng awtor nito. May responsibilidad ang tagapaglimbag na ayusin ang paglabas ng aklat na nakapangalan pa rin sa (dahil nakabalandra sa pabalat ng aklat ang pangalan ng) orihinal nitong awtor.
Ang salin ay dapat gawin nang makinis at dapat na masusi ang pag-edit dito. At hindi naman siguro ganun kaliit (maliit nga ba?) ang bayad sa mga tagasalin at mga editor ng KWF para tipirin ang kalidad ng pagpapalimbag? Isa pa, pamahalaan ang nagpapatakbo sa KWF at pati na rin sa Natinal Commission for Culture and the Arts (NCCA) na syang nagbibigay ng grant sa pagsasalin, kung kaya pera ng taumbayan ang ginagamit para dito. Sana lang ay ayusin nila kasi talagang nakakadiskaril ang pagbabasa kung maya't maya ay may maling baybay na mapupuna.
Isa pa, hindi rin malinaw kung ang ilang salin ay talagang nagmula sa orihinal na wika o kaya ay adaptasyon ng salin sa Ingles. Si Fidel Rillo ba ay bihasa sa Ruso? Si Allan N. Derain ba ay ginamit ang orihinal na Pranses ni Maupassant at direktang nagsalin mula Pranses patungong Filipino? Si Joselito D. Delos Reyes ba ay nag-aral ng Aleman? Ligtas si Alvin C. Ursua sa Ingles ni Hemingway bagamat mas mainam kung dineklara kung anong edisyon ng aklat ni Hemingway ang pinagbatayan ng kanyang salin.
Tungkulin ng publisher at translator na banggitin mismo sa aklat kung anong bersyon ang ginamit sa pagsasalin - mula sa orihinal ba na lengguwahe o mula sa isa sa mga salin sa Ingles? Kung Ingles ang pinagbatayan ni Rillo, ito ba ay ang Ingles ni Constance Garnett o ang Ingles ng mag-asawang Richard Pevear at Larissa Volokhonsky o Ingles ng iba pang nagsalin kay Chekhov? May implikasyon ito sa pagiging transparent ng salin at sa intellectual copyright. Maari namang isulat sa copyright page na ang salin ay direktang ginawa mula sa orihinal na wika kung ganito talaga ang kaso.
Kung titingnan naman ang mga napiling manunulat, puro kalalakihan ang anim na naunang naisalin. Mas mainam kung magkakaroon ng representasyon ang mga kababaihan sa susunod pang isasalin para sa Aklat ng Bayan. Maganda rin kung magkakaroon ng sapat na representasyon ang mga manunulat mula sa iba't-ibang panig ng daigdig. Maganda kung talagang aayusin ang programang ito dahil totoo namang maganda ang layunin at kapaki-pakinabang sa mga mambabasang Pilipino.