27 August 2010

The first Duino elegy (in Filipino)


Unang Elehiya
ni Rainer Maria Rilke


Sino, sa aking pagtangis, ang makikinig mula sa orden
ng mga anghel? Maski ang isa sa kanila’y dagli akong itutop
sa kanyang dibdib: Ako’y titiklop sa tanang kapangahasan.
Isa itong kariktang di maitawid sa kagampan. Ito’y simula ng katakutan
na ating sasambahin pagkat tayo’y kanyang lilipulin.
Nakagigimbal ang arkanghel.
Kagyat ako’y nagtimpi at tinikom ang hikbing awit ng
pagsinta. Ah, sino pa ang malalapitan?
Ni tao, ni anghel ay hindi, maging ang hayop na maalam ay dama
na hindi tayo kailanman magiging palagay
dito sa ating kinalakhang mundo. Marahil ang maiiwan na lamang
ay ilang puno sa parang, na siyang dudungawin ng ating
paningin. Marahil ang lakarin kahapon
at ang kinagisnang ugali na panatag na sa atin,
mananatiling tapat at di maiisipang mawalay.
Ah, ang gabi: naririyan sya, may taglay na hanging puspos
ng kawalang hangganan, kumukurot sa ating mukha.
Sinong makatatanggi sa kanya, habang tayo’y
nahihimlay sa kalmada na pinakaaasam
ng nagtatagong damdamin. Ganuon ba
kadali para sa magkaniig? Minarapat nilang magkubli
sa sumamo ng bawat isa. Hindi mo pa ba nalaman?
Iwaksi ang kawalan sa pagdipa ng iyong mga kamay,
patungo sa bawat pagitan ng hininga, nang makamit ng mga ibon
ang bugso ng hangin at lukso ng paglipad.

Oo, ang tagsibol ay nangailangan sa yo. Minsan
may talang dinarasal ang iyong pagtangì; may daluyong
nagmula sa nakalipas, humampas patungo sa iyo;
may biyoling ipinaubaya ang kanyang sarili,
sa pagtapat mo sa harap ng bintana. Ang lahat
ay tinakda. Mamarapatin mo bang tahakin ito?
Manapat ika’y di mapakali sa pag-asam,
na tila sinadyang dumating ng pinakamamahal?
(Saan mo kaya siya maisisilid, kasama
ng makabagong ideya, labas masok at magdamag
naglalaro sa iyong isip?)
Sa sandaling mangulila, awitan mo ang silakbo ng pag-ibig;
pagkat kapusukan nila'y kulang pa sa walang katapusan.
Halos nanibugho ka sa kanila, silang mga nalihis,
silang umibig nang higit sa busog na pag-ibig.
Paulit-ulit na pupunan ang papuring walang kinahinatnan.
Tandaan: ang bayani ay nabubuhay. Ang kanyang pagbagsak
ay daan lamang patungo sa huling pagsilang.
Ang kalikasan naman, kapos at muling aanyaya ng manliligaw,
na tila walang lakas para lumalang ng mga
bagong sugo. Pinag-isipan mo ba ng husto
itong si Gaspara Stampa, nang sa gayon, ang dalagang iniwan
ng kanyang mahal ay mabubuhay sa darang ng isa pang
pag-ibig, habang sa sarili ay sasambit, “Kailan ako magiging ikaw?”
Ang matagal nang dalamhati ay hindi ba dapat
pakinabangan na natin? Di ba’t oras na para pakawalan
ang ating mga sarili sa tanikala ng puso at pagtitiis,
ito’y nanginginig, katulad ng palasong tinitikis ang batak ng búsog
upang sa sandaling paalpasan, ito’y hihigit pa sa
sarili? Marahil wala na tayong patutunguhan.

Tinig, mga tinig. Makinig ka aking puso, gaya ng mga
banal na taimtim nakapakinig: hanggang sa ang tambuli
ay magpalutang sa kanila; kahit binalewala nila, nagpatuloy
silang lumuhod, ang mga wala nang pag-asa:
nakinig nang buong-buo. Hindi nangangahulugang malalampasan
mo ang boses ng Dyos—malabo ito.
Pakinggan mo ang boses ng hangin, ang mensaheng isinahugis
ng katahimikan. Mula sa mga kabataang nasawi,
ito’y bumubulong papalapit sa iyo. Tuwing sasamba ka sa katedral
ng Roma o Napoli, hindi ba marahang nakikiusap
sa iyo ang kanilang mga tadhana?
O kaya nama’y isang elehiya ang iniatas sa iyo
kagaya nung isang taon, nakaukit sa lapida ng Santa Maria Formosa.
Ang tulong na ipagkakaloob ko sa kanila, ang paghuhugas
sa di makatarungan nilang pagkamatay—magkaminsa’y
pumipigil sumandali sa pag-akyat ng kanilang espiritu.

Talagang kaiba kung wala nang tatao sa mundo
na susunod sa mga kinagisnang di madaling natutunan,
na pipitas sa rosas at mga bagay patungkol sa manigong
kinabukasan, na hihilig gaya ng dati sa malilikot na kamay, at sadyang
kalilimutan ang ibinansag na ngalan, tulad ng
pag-iwan sa laruang di na umaandar.
Kaiba kung hindi na papangarapin ang pangarap. Kaibang
mamalas ang mga bagay na dating pinagbuklod, ngayo’y
nagkawatak-watak sa lahat ng dako ng daigdig. Mahirap mamatay,
madaming pagkakaabalahan bago matamasa ang kakaunting
walang hanggan.—Kahit ang mga nabubuhay, mali
ang pakiwari sa talim ng tama at mali.
Malimit (anila) di matanto ng mga anghel kung sila’y nasa piling
ng mga patay o buhay. Saan mang hantungan,
walang humpay, tinatangay ng buhawi ang nagdaraang
panahon, at kinukulong ang kanyang hikbi sa gitna ng dagundong.

Sa katapusan, wala na tayong silbi sa mga pumanaw:
namulat sila ng mga bagay na makamundo, tulad ng unti-unting
pagkawalay sa gatas ng ina. Habang tayong may pangangailangan pa
sa malalalim na misteryo, tayo na kumukuha ng matinding
lakas sa dalita, kaya na ba nating wala sila?
Wala na bang saysay ang alamat na naitala kung saan,
sa matinding hapis kay Linos, ang maigting na pagkamanhid ay tinulos
ng mapangahas na pasok ng tugtog—biglang tumayo at lumakad papalayo
ang binatang matipuno; mula sa nagitlang espasyong iniwan nya,
sa unang pagkakataon, ang kumpas ng kawalan
ay sumasaatin: pumapatnubay, nakikiramay, at nakikiisa.



(salin mula sa Ingles ni Stephen Mitchell at ni William H. Gass)

4 comments:

  1. Will just have to take your word for it. What an achievement and well done anyway!

    ReplyDelete
  2. Far out! "Who, in my mourning, to hear from order/ of angels? Either one of them briefly my line/ on his chest: I titiklop all presumption."

    ReplyDelete
  3. Aha, Google Translate. It didn't give the correct back translation. *_*

    ReplyDelete