03 November 2021

Teserak

 

Ang Bangin sa Ilalim ng Ating mga Paa ni Ronaldo Vivo Jr. (UngazPress, 2021)


58263230. sy475

 

Kinokoronahan ang demonyo sa panahong ito at alam nilang nasa panig nila ang marami. Kapangyarihan, impluwensiya, simpatya. Lunod na lunod sa saya, lasing na lasing sa ligaya. Walang paglagyan ang bukal ng pera-palit-dugo. Dugo't luha ang langis ng giyerang minamakina. Pinananagot ang mga naghahabol ng kasagutan. Kaya iiyak na lamang ang mga magulang ..., magdadasal sa Panginoon, hihingi ng hustisya sa langit. Mabubuhay sa takot habang kinokoronahan ang diyablo.

Kung ang nobela ang referendum ng administrasyong Duterte, may natalo na. Hindi na kailangang hintayin ang desisyon ng ICC sa krimen ng ubusang lahi. Natalo ang diyablo ng panahon; nanalo ang mambabasang matindi ang kapit. 

Ngunit ang nobela ay isa lamang babasahin, isang espasyo ng pagkukuwento ng malagim na digmaan laban sa dangal at pagkatao ng mga disenteng tao. Ang nobela ay isa lamang sagunson ng mga pangyayaring idinidikta ng panahon. Binubuksan nito ang bangin sa ilalim ng ating mga paa, dinadala tayo sa mga sitwasyong wala sa atin ang kontrol. Hindi natin hawak ang puwersa ng lipunang gumugupo sa ating kaluluwa. Nasa paligid lang ang may kapangyarihang pumaslang sa katinuan ng sambayanan. Isang kapangyarihang higit sa ating lahat. 

Ang nobela ay may lalim, may talim at sentido para ipahayag ang katotohanang nakakubli sa bangin. Pero hindi natin kailangang magpatiwakal para maapuhap ang katarungang nakalingid sa kukote. Kailangan lang natin ng sapat na oras para magbasa ng nobela. Sapagkat ang social media ay nakompromiso na ng mga retarded at pekeng interlokutor, nobela na lang ang ating matatakbuhan. Ito ang ating masasandalan sa mga panahong salat sa talino ang malayang diskurso ng cyberspace. 

Sa labas pa lamang, dinig na namin ang kulob na tunog ng nalulunod na bayo ng baho ng speakers sa loob.

Kakaibang timpla ng 'baho' ng rakrakan at ratratan ang pinasisinayaan ng nobela ni Ronaldo Vivo Jr. Ang Bangin sa Ilalim ng Ating Mga Paa ay akustikong banggaan ng mga nilalang at paninindigan sa rehimeng Duterte. Nakatukod ito sa tradisyon ng panitikang diniligan ng agos ng disyerto, kinalmot ng kuko ng liwanag, at nagbukas ng maikling imbestigasyon sa isang mahabang pangungulimbat. 

Ang nobelista ay isa ring abogado ng demonyo. Nilalantad nya ang mga kalapastanganang BAU (business as usual). Hinaharaya tayo ng kapanabikang mala-noir. 

“Is there a Philippine noir?” masusing tanong ni Resil B. Mojares sa isa nyang lektura na ganuon din ang pamagat at sinipi sa Interrogations in Philippine Cultural History (Ateneo de Manila University Press, 2017). Ang Bangin ay noir sa isang konsentradong anyo. Walang kagatul-gatol nitong binababad ang mga tauhan (at mambabasa) sa “langis ng giyerang minamakina”. Mariing sinasagot ang pansin ni Mojares na “the social system of which the crime is symptom and effect is not strongly developed [in the Jessica Hagedorn-edited Manila Noir] (which perhaps makes of the novel a form more suited to noir)”:

How does one explain the fact that our experience of authoritarianism and state terrorism has not produced the kind of powerful memorable fiction that dictatorships in Latin America and Central Europe produced? Has corruption, even high-level corruption ... been so “normalized” that we can no longer summon real anger and outrage in the face of it? Has crime become so “mediatized” that we can think of it only in terms of eccentric characters ... instead of the institutionalized corruption and amorality of which they are, all at once, cause, symptom, and effect? 

... To say that our realities seem stranger than fiction says something about these realities, but does this not also tell us where fiction has failed?

... Has the ceaseless stream of crime stories in media so desensitized us, dulled empathy, that we can no longer summon the will to inquire into what lies behind the news or share in the real human suffering that is at the hidden heart of these stories. [sic]

Tila isang tahasang sagot ni Vivo kay Mojares ang Bangin, kung saan ang amor ng amoralidad at pagkabulok ng sistema ay namuong tingkal. Hinawan ng nobelista ang sining ng nobela, mapa-noir man o mapa-tiktik: ang papaliit na papaliit na konsentrikong mga bilog; ang misa para sa pagkautas ng kaaway; ang teserak. 

Ang mga tauhan ay tumatakbo patungo sa kanilang kakahinatnan. Ang nobelista ay hukom at berdugo sa kanyang mga tauhang gumagalaw sa lipunang walang maskara kung saan kinokoronahan ang diyablo. Ito ang “sikretong mundo” na nilusong ng nobela ni Vivo at tugon sa huling katanungan ni Mojares sa kanyang sanaysay.

There are many ways of writing noir. But what excites me about the genre, particularly for the Philippine case, are its possibilities as a medium for social investigation and political critique, a form of representing a society ruled by violence, corruption, and criminality. Fredric Jameson, in an influential essay on Raymond Chandler, has focused the attention of scholars on how hard-boiled detective fiction affords the reader a cognitive mapping of urban space, as the detective or protagonist undertakes an investigation, exploration, or search that brings him to the “anonymous” and “secretive” places in his city and thus uncovers what past and present crimes have made society what it is. These secret places are not the slums (where crime is most visible, bodies dumped, and noir fiction typically begins) but in the most powerful offices in the land.

If at the core of noir is a narrative of investigation, the uncovering of those hidden and determining forces that have created the crimes of today, how effectively and well have we harnessed the power of noir?

Ang Bangin ay varyant ng ideyal na nobelang noir ni Mojares (ikumpara ang “narrative of investigation” nya sa nobela ng pagsisiyasat” ni Edgar Calabia Samar sa Halos Isang Buhay). Hindi direktang sinuysoy ni Vivo ang pasilyo ng mga may kapangyarihan kundi ipinahiwatig ang sanhi, sintomas, at kamandag (cause, symptom, and effect) ng gangster land.

Sa season ng halimaw at “kriminal na pulis” (redundante ayon sa batas ng nobela), sa reality ng pandemya na nagpaigting sa dambong at pandadahas, ang Bangin ni Vivo ay bumagsak at pumosisyon bilang isang makapangyarihang nobela ng dekada.