Makalipas ang ilang dekadang pagpupunyagi ng mga kapatid nating New People’s Army, ano na ba ang estado ng kanilang mga ipinaglalaban? Tila wala na yatang katapusan ang giyera ng mga gerilya. Ang dating silakbo ng rebolusyonaryo ay hindi na ganoon kaagresibo. Ang mga dating nakikisimpatya ay di na ganoon kasigabo ang pagtanggap sa isang digmaan na sa tingin nila, habang tumatagal ay lalong wala nang patutunguhan. Ang Marxista ay namarkahan na ng kawalan ng pag-asa. Wala na ring gana ang taumbayan na makinig sa paulit-ulit na atungal ng mga bala.
Malimit nang kinukuwestiyon ang kaangkupan ng ideyolohiyang komunismo sa makabagong panahon, partikular ang uri ng ideyang pinapalagananap ng CPP-NPA. Binansagang terorista, hindi na ito ang dating maliksi at progresibong pulitikal na pangkat. Ito ay napaglipasan na. Nawawala na sa sirkulasyon ang tiim-bagang na pagsukbit ng riple at kalibre, sumugat ng isip, bumutas ng tao.
Sa sobrang gasgas na ng drama ng NPA ay mukhang wala nang pakialam ang masa na nakababad na ang atensyon sa praymtaym na teledrama. Ang estado ng pakikibaka ay nasasalamin na lamang ng estadistika: ang bilang ng gerilya na naitumba at nailibing sa kabundukan, ang kabuuang halaga ng kanilang nalikom na buwis pangrebolusyunaryo, ang bilang ng militar na natimbuwang at naisilid sa bodybag, ang bilang ng sibilyan na nadawit sa opensiba.
Kung ganoon ang estado ng rebolusyon, lumalabas na ang nobelang Gerilya na tumatalakay sa pakikipagsapalaran ng mga NPA ay wala na ring saysay. Marahil ay hindi na akma ang ganitong istorya sa panahon ng Twitter at Facebook? Kailangan pa bang bigyang pansin ang ganitong mga obra?
Sa tingin ko, at dahil ako ay nasorpresa ng nobela, kailangan pa nating imulat ang ating mga mata sa mga babasahing tulad nito na sumasalamin sa katotohanan ng pamumundok. Bagamat tila pasaw na ang pakikibaka, nabigyang buhay ng manunulat at nobelistang si Norman Wilwayco ang isang aspeto ng NPA nang hindi tumutulay sa propaganda.
Kung isang sukatan ng kabuluhan ng akda ay ang umilag sa mga patibong ng sentimentalismo at pulitikal na plataporma, ay naibahagi ng nobela ang aktibistang pamumuhay na balanse ang pananaw. Nailahad ng nobela ang damdamin ng mga lumalabang karakter at naitawid ang kanilang mga paniniwala at prinsipyo nang may mataas na pagpapahalaga sa kanilang dangal, hindi lamang sa kanilang pagiging gerilya kundi sa kanilang pagkatao at pagka-Pilipino.
Hindi kinasangkapan ng panulat ni Wilwayco ang pagsususog ng sariling agenda o manipesto ng pag-aaklas laban sa sistema kundi pinihit nya ang kanyang pluma para palutangin ang kontemporaryong boses ng mga rebolusyonaryo ng makabagong panahon.
Ang kuwento ng Gerilya ay ang karanasan ng dalawang bagong rekrut na estudyante ng UP na tuluyang sumapi sa hukbong NPA. Ipinamalas ng dalawang pangunahing karakter na ito ang dalawang uri ng tugon ng kabataan sa hamon ng panahon. Ang kanilang mga kalakasan at kahinaan ay pinatingkad ng kanilang pakikipagsapalaran sa hanay ng mga kasamang rebelde. Hindi lahat ng aksyon ng mga rebelde ay makatarungan at dito maaaninag ang matalas na pagtingin ng nobelista sa indibidwal na boses ng isang rebelde at kolektibong boses ng grupong makakaliwa. Tila isang insayder sa pangkat-NPA si Wilwayco dahil makatotohanan ang paglalarawan niya ng pamumuhay sa gubat ng pakikipaglaban.
Kakaiba ang estilo na ginamit ni Wilwayco para gawing interesante ang mga eksena. Ang kanyang boses na ginamit ay malalim ang pinaghugutan – isang masinop na paglilimi ng mga litanya ng sambayanan. Sinsero ang angas na pinakawalan nya mula sa umuugong at umuusok na damdaming radikal. Ang pagbabasa ng nobelang Gerilya ay sya ring pagsalat sa teknika ng panulat na masasabing mas higit ang antas ng paglalagom ng layon at ideya kaysa sa mga popular na naisulat katulad ng sa piksyonistang si Bob Ong.
Karapat-dapat ihanay ang Gerilya sa mga kontemporaryong akdang patuloy na hinahanap ang sagot sa misteryo ng pagiging isang tunay na makataong Pilipino. Bagamat hindi nito masosolusyunan ang problema ng NPA, maaari pa rin itong makapagparating ng anumang mensahe na nagsasabing may karapatan tayong lumikha ng mas makatarungan at mas kaaya-ayang lipunan.
(Maraming salamat sa Bookay-Ukay na naglathala ng ebook ng Gerilya sa kanilang website. Pwede ring ma-download ito ng libre sa mismong blog ni Norman Wilwayco. Makakabili ng kopya ng Gerilya sa Bookay-Ukay bookstore na matatagpuan sa #55 Maginhawa St., UP Teacher's Village, Diliman, QC. Para sa impormasyon ay bisitahin lamang ang bookay.multiply.com.)